Tula ng Puso: Pananampalataya, Pag-ibig, Pag-asa

ANG MANLALAKBAY

 

Sa pagsibol ng bukang-liwayway,

naging masigasig Ang Manlalakbay

tumahak, gumuhit ng kanyang landas

sa mundong pilit na tinutuklas.

Daang bundok ang siyang inakyat

tinawid, malalawak at malalim na dagat

unos, sakuna, sakit ay bumadya

upang ilihis sa kanyang tadhana.

 

Maraming beses mang ibinuwal

ang kanyang katawa’t isipang pagal,

nagpatuloy sa landasing binabagtas

ang pusong magiting na di kumupas.

Ang Manlalakbay, pilit sumulong

bigat ng mundo’y kanyang sinuong

di nagpagapi sa bawa’t panganib

iwinaksi ang anumang bumalakid.

 

Sadyang may puso’t tapang na taglay

ang di-matinag na manlalakbay

sa bawa’t pagkatalo, ito ay bumangon

inalay ang buhay sa bawa’t hamon.

Kaya’t sa pagsapit ng dapit-hapon,

lugod na humarap sa Panginoon

sa diyos na Siya ring lubos umalalay

umakay, humawak sa kanyang kamay.

 

“Ninais ko ang buhay na masaya

at sa Iyo, ako‘y sumampalataya

nguni’t mga daan ay naging matinik

baku-bako at sala-salabit.

Gayunpaman, aking napagtanto,

lahat ng pagsubok ay ginto

na biyaya sa dulo ng daan

pagka’t Ikaw ay aking matatagpuan.

 

Ano ba ang tunay na kaligayahan?

ang mabuhay nang may kabuluhan

ang humarap nang walang takot

sa mundong puno ng galit at sigalot.

Ang umibig sa kapwa nang tunay

umakay sa kanilang mga napilay

ng iba at sarili nilang pagdaranas

tungo sa kaligayahang wagas.

 

Ngayong ako’y naririto na,

nawa’y patnubayan Mo po sila

mithiin ng puso, akin nang nakamit

humimlay, sa wakas, sa Iyong dibdib.”

Lumuhod, lumuha nang may galak

Ang Manlalakbay sa Kanyang hapag:

“O, Diyos na makapangyarihan sa lahat,

ako’y lubos na nagpapasalamat!”

MANHID

 

Di-mawari ng puso ang kanyang kawalan

ng damdaming sa hinuha’y hiningi ng pagkakataon,

hinihingi ng panahon.

 

Ano ang pagkakamali? ang nararapat? ang ninanais?

 

Pinilit kong dinggin ang sigaw ng kunsensya

at ako’y nagulat sa aking nakita.

 

Hindi pala.

 

Ang manhid ay may damdamin din pala,

nakatago sa ulap ng mga alinlangan

at ulan ng suliranin.

 

At nalaman kong sa kawalan ng damdamin,

tumitibok pa rin ang kanyang puso.

 

PAGPAPATAWAD

 

Hindi ko alam.

 

Paano nga ba?

paano magpatawad?

paano magpatawad sa sarili

sa pagkabigo bilang isang ina?

 

Paano mawawaglit ang sakit na narito

kung sa bawa’t araw, ang bawa’t araw

ay naglalaman ng iyong alaala, mahal ko?

kung ang bawa’t tibok ng puso ko

ay nagsasabing sa iyo’y tuluyang naglaho?

 

Paano?

kung sa bawa’t “Kumusta?” ay “Mabuti” ang tugon ko

gayong ang bawa’t tugon ay may halong kirot?

Sinungaling…

 

Paano?

 

…Siguro, may mga bagay na sadyang di natin masasagot.

 

Hindi ko alam.

Hindi lamang sa ngayon.

 

Darating din ang araw na masasagot ko kung paano.

 

Umaasa pa rin ako.

Isang araw ay babalik ka sa piling ko.

Hindi man ngayon. Maghihintay ako.

 

Hanggang mayakap kita, mahalikan kita, at masabing

“Pinapatawad ko na ako.”

 

**********************************************

Sanay ay nagustuhan ninyo.  Ang lahat ay nanggaling sa puso ko.

Ang mga tulang ito ay nagsisilbing lahok sa Saranggola Blog Awards 8. Sasali rin sana ako sa Maikling Kuwento pero kulang na ang oras ko.

saranggola-blog-awards-8SPONSORS