
“The Persistence of Memory” ni Salvador Dali (1931, oil on canvas)
03:52
alas tres, cincuenta y dos
natutulog pa ang mundo
ayoko sana’ng mag-isip,
nguni’t ang umaga’y
tila di ako pinatatahimik
pilit na dinadala
sa pinaka-sulok ng diwa,
sa aking sariling mundo
na di-maaarok ninuman,
sa aking hinuha, maliban
kung aking pahintulutan
siya na maaaring maligaw
mawala, magulumihan
sa mga agiw na naririto
…AYOKO
marahil sapagka’t
ito na rin ang aking nais:
ang maiwang mag-isa
sa pagtuklas, pagbuo
ng mga piraso, mga bahagi
ng aking sarili
bagama’t baliko,
may lamat, at marahil,
di-kailanman mabubuo
yaan mo ako
dito sa aking mundo –
sa tanging paraan na alam at nais ko
ngayo’y alas tres, cincuenta y cinco
Karapatang-Ari © J.Gi Federizo
Sinulat: Agosto 30, 2011