“BUNTONG HININGA”


“Inay, ano’ng oras ka babalik?” ang tanong ng iyong bunso. Ang sabi mo, “Ewan ko. Matulog ka na,” sabay senyas sa panganay na anak na patulugin na ang bunso. Sa di-kalayuan, tatlo pang mga anak ang subsob sa pag-aaral.

Palagi na lamang ganoon. Itatanong nila ang oras ng iyong pag-uwi, sasagutin mo naman sila ng “ewan.” At sila’y tatahimik na. Alam na nila kung bakit. Bumuntong-hininga ka.

Oras na. Nakapaligo ka na. Pagpipinta naman ng mukha ang iyong aasikasuhin kaya naupo ka sa harap ng salamin. Inuna mo ang eye shadow. Lagay. Lagay. Lagay. At… Aba, napuna mo, nasaan na kaya ang maniningning mong mga mata? Ngayon, ang mga matang nakatitig sa iyo ay tila hindi na sa `yo. Mapapanglaw ang mga ito, pilit na itinatago ang lungkot na naroroon.

Buntong-hininga…

Ito ay nagmula sa Internet at hindi ko inaaring akin

Ano ka ba, Nena? Gumalaw ka na nga! Baka ma-leyt ka sa trabaho! At itinuloy mo ang paglalagay ng eye shadow. Pero napansin mo ang iyong noo. Aba, saan nanggaling ang mga guhit sa noo mo? Napatawa ka. Itinatanong pa ba `yon? Sa trabahong ito, bata ka pa, malolosyang ka na. Pero wala ka nang magagawa. Kailangan mong kumayod para sa mga anak mo upang kayo ay may matuka. Kailangang makapag-aral ang mga bata upang hindi lumaking api-apihan ng lipunan. Di tulad mo.

Buntong-hininga…

Tapos ka na sa eye shadow. Inumpisahan mo naman ang mascara. Tumama ang dulo sa iyong mata. Aray! P_____ ina! At may naalala ka. `Yun din ang madalas mong maibulalas sa tuwing sasaktan ka niya, ng walang kuwenta mong asawa. May pitong araw sa isang linggo pero para bang nagiging walo. Walang araw na hindi ka nalamog at nagkaroon ng pasa sa iba’t ibang bahagi ng katawan. H’wag, maawa ka na sana, ang pakiusap mo. Nguni’t tila wala siyang narinig…Hindi na ngayon.

Nasa’n na kaya’ng gagong `yon? Tumawa ka na naman. Isang matunog na tawa. Ano’ng pakialam ko? Natakot na siguro ang gago kasi nang minsang hindi ka nakatiis, lumaban ka. Nadampot mo ang mainit na plantsa at…siguradong ibang-iba na ang mukha niya. Inisip mo kung makikilala mo pa kaya siya sakaling magkatagpo kayong muli ng landas. Pasensyahan na lang kami. Naghihirap siya ngayon, naghihirap din kami. Ano pa nga ba ang dahilan at naririto ako sa putik?

Buntong-hininga…

Tapos na ang kaartehan sa mata. Sinimulan mo namang pinturahan ang humpak mong mga pisngi. Lagay, lagay na naman hanggang sa pumula. `Sus! Daig ko pa’ng kamatis! Buti pa nga ang kamatis, mas mukhang sariwa…Ay, oo nga pala, pareho lang kami. Sariwa ngayon, lamog na bukas. Tumawa ka na naman sa sarili mong biro na sa katotohana’y hindi nakakatawa. Kung kasama mo siguro sa trabaho ang iyong biruin nang ganoon, matawa rin kaya sila?

Buntong-hininga…

Ito ay nagmula sa Internet at hindi ko inaaring akin

Mapula na ang iyong mga pisngi. Sa labi naman. Lagyan ng pula ring lipistik. Kinapalan mo. Kinapalan mo pa. Ha, ha, para ka palang klawn sa perya, Nena, sabi mo sa salamin. Kulang na lang ay umabot hanggang pisngi ang lipistik. Pero bago ka napatawang muli, may sumagi sa isip mo. Naalala mo ang isang lalaking naging kostumer mo. Higit pa.  Naging magkaibigan kayo. Hanggang minsan, nasabi n’ya, “Mahal kita. Gusto kitang pakasalan. Handa ako, kahit na saang simbahan.” Sinabi mong pag-iisipan mo muna. Ang totoo, nagsimula ka nang mangarap ng pagharap sa dambana kasama n’ya, noon pa mang bago ka niya inalok.

Nguni’t pagsapit ng araw na inyong itinakda, ano’ng isinagot mo? “Hindi ako maaaring pakasal sa `yo. Umalis ka na. Hindi ka putik na tulad ko. Wala akong lugar sa mundo mo. At lalong wala kang lugar sa mundo ko.” Katwiran mo, ang pangarap ay pangarap lamang. At tulad ng payasong may ngiti, ngumiti ka rin. At tulad ng mukha sa likod ng maskara, pinilit mo ring magtago. Umiyak ang puso ng payasong ikaw.

Buntong-hininga…

Tinanggal mo na ang tuwalya sa ulo at umagos pababa ang mahaba mong buhok. Dati, maganda ito, katangi-tanging tingnan. Maganda pa rin ito subali’t hindi na tulad noon. Iba’t ibang kamay na ang sumuyod dito. Mga kamay ng kung sinu-sinong tao, kakilala mo man o hindi. Kung maaari lang ay kalbuhin mo na ang sarili. Muli, umalingawngaw ang malakas pong paghalakhak.

“Bakit, Inay?” tanong ng bunso mo nang magising sa iyong tinig. “Wala, matulog ka na.” Bakit ko nga ba tinatawanan ang sarili ko? Sinagot mo rin ang sarili mong tanong. Siguro, hindi nga nakakatawa ang trabahong `to. Pero sa buhay kong ito, mamatay ka nang tumatawa kaysa sa magutom.

Buntong-hininga…

At saka mo naalala, gabi na nga pala. Leyt ka na. Masasabon ka na naman sa klab. Kaya mabilis mong sinuklay ang iyong buhok at isinuot ang malaswang damit, pati na rin iba pang kulurete sa katawan. Oras na para harapin ang trabaho. Sasayaw ka na naman sa entablado, sa ilalim ng makukulay na ilaw, sa mahaharot na tugtugin. Iteteybol ka na naman ng kung sinu-sino. At…Hindi bale. May pansit naman kaming meryenda pag-uwi ko mamaya.

Sa pagmamadali, hindi mo na nagawang bumuntong-hininga.

Natagpuan ko ito sa artisticallylinked.ning.com

Ang “Buntong-Hininga” ay isa sa mga una kong kathang maikling kuwento. Ito ay unang nalathala sa UPLB Perspective noong Pebrero 1995.

Karapatang-Ari sa Kuwento © Pebrero 1995, 2011 ni J.Gi Federizo

 

************************************

Nagustuhan mo ba ang kuwentong ito? Maaari lamang na paki-LIKE kung gano’n. O maaaring may mabuti kang maibabahagi ukol dito? ‘Wag mag-atubiling iparating sa akin! Isulat ang iyong nasasaisip sa nakalaang kahon sa may ibaba o di kaya’y sulatan ako sa j.gi.federizo@gmail.com …Maraming salamat!!! :D